Sa likod ng mga kulay at sining, mga obra at mahika, ay isang kamay at utak ang lumikha. Minsanan may nalunod ngunit natutong lumangoy. Sinong mag-aakala na sa isang iglap ng oras, ay magsisimula ang kwento ng pangarap at buhay ng isang batang babae na nakita ang mundo bilang isang lugar na puno ng mga kulay. 17 anyos, simpleng estudyante lamang, mahilig gumuhit at isang kartunista. Mahilig sa lahat ng pagkaing tsokolate, lalo na sa panonood ng mga ‘anime’ kung saan nagmula ang kanyang hilig na gumuhit at magpinta, at higit sa lahat, pangarap nya ang maging isang kilalang pintor. Ngunit teka, sino nga ba ang mga kamay sa likod ng obra?
Puslit pa lamang, hindi inakala ng lahat na mapupukaw ng pagguhit ang kanyang atensyon. Sabihin nating mas nakasanayan nya ang mga asignaturang matematika, siyensya at mga asignaturang may kinalaman sa numero. Tama nga naman, sinong mag aakala na ang batang mahilig sa mga numero ay hahawak ng lapis at magsisimulang lumikha sa mga papel?
Hindi naging madali, ngunit sa kabila ng mga hamon at pagsubok, tila ba’t hindi alintana sa kanyang mukha ang pagod at takot. ‘Nasa tama ba akong direksyon?’ ‘Ano nalang ang sasabihin ng mga tao?’ ‘Nagsasayang lang ba ako ng oras dito?’ Napakaraming tanong ang nagsimulang pumasok sa kanyang utak, hanggat sa hindi nya na namamalayan na sa bawat pagpatak ng kanyang pagdududa ay mas lumalamang ang kanyang takot na matalo kaysa sa kanyang kagustuhan na magpatuloy. Sa kabila ng lahat, mas nanaig pa rin ang kanyang pangarap na gumawa at lumikha gamit ang kanyang mga sariling kamay. Sa kabila ng takot, sa kabila ng mga panghuhusga, ay isang maliit na batang babae lamang na may mga munting pangarap para sa hinaharap, at ngayon ay kanya nang tinutupad at sinusubukang sungkitin ang mga talang inakala nyang sobrang layo sa umpisa ngunit nang tumagal ay natutunan nyang sundan ang paglitaw nito kasama ang mga bulalakaw.
Pagtungtong ng Senior High, hindi naging madali ang proseso. Marami ang naging balakid at pagsubok ang dumating at parating pa lamang ngunit para sa kanya, ang pagsuko ay nagpapahiwatig lamang na tapos ka ng magsulat sa libro ng iyong paglalakbay, at matatapos na ikaw lamang ang tanging mambabasa ng sarili mong mahika. Kaya’t malubak man ang daan, marami man ang nakaharang, nagpatuloy syang maglakbay. Mula sa isang batang walang ninais kundi mga laruan at tsokolate lamang ay nagmula ang tumpak tumpak na medalya’t sertipiko ng mga gantimpalang kanyang nasungkit, ang mga bunga ng mga pawis at dugong isinakripisyo sa mga taong nagdaan. Mahirap man ang mangarap sa mabilis na pagikot ng mundong puno ng mga pagbabago, hindi ito tititgil at maghihintay para sa iyo. Kaya’t natutunan nya ang sumabay, sa gitna ng mga pagbabago, nanatili syang kalmado.
Sa halos labing pitong pamumuhay sa mundong ibabaw, maraming beses sa buhay nya na napagisipan nyang sumuko at iwan nalang na bukas ang kanyang sariling libro, ngunit minsana’y pumasok sa kanyang isipan, ‘Sino ang magbabasa ng librong hindi pa natatapos?’ Kaya’t mahirap man ang magpatuloy, sa taong may pangarap, hindi sapat kahit ang kahirapan upang tuldukan ang paglikha ng mga mahikang– ang kamay nya lamang ang tanging makakahubog. Kaninong mga kamay nga ba galing ang mga obra’t maestrang nagpapahiwatig ng mga damdaming hindi maihahabi ng mga salita? Walang tanging iba kundi kay Ivy Mae Toledo.

No comments:
Post a Comment