Alamat lang ba ang pahinga ng dalawang puyat sa pira-pirasong mga bugtong?

abi's drifting days---- 06205

    does it get better?  "I was unable to shake off the feeling that I had no real right to be here at all, that I was an interloper. ...

Tuesday, January 7, 2025

03 | Ang Mga Kamay na Makakapitan, Mga Balikat na Maiiyakan

 


     Malinaw pa mula sa aking mga alaala noong bata ako ang tono ng mga kantang naging paborito ko sa araw araw. Isa sa mga lumang kantang lagi kong naririnig sa radyo lalo na’t pag umaga ng linggo ay ang kantang ‘Anak’ ni Freddie Aguilar. Naalala ko pa ang mga sinambit sa akin ng ina ko noon habang nakikinig sa kantang iyon, “Anak, pag tumanda ka, wag mo kakalimutang tumingin pabalik.” Bilang isang puslit na bata, hindi ko iniintindi ang mga sinasabi ng aking magulang, gayon na din ang mensahe ng aking paboritong kanta. Ngunit ngayong 17 anyos na ako, malinaw na sa akin ang bawat salitang binitawan ng aking mga magulang, at ang nais ipahiwatig ng mga himig sa kantang ‘Anak’. 


Hindi ko maitatanggi na bilang isang anak, marami akong pagkukulang at mas lamang ang mga ‘mali’ na aking nagagawa sa araw araw.  Sa likod ng mga matataas na marka, medalya’t sertipiko ay minsang naging anak na walang bahid ng respeto sa kanyang mga magulang. Naranasan ko ang sumagot ng pabalang at magalit sa mga taong naghubog sa akin mula ng puslit pa lamang ako, magsinungaling at sumuway, at halos mawala sa landas dahil ninais kong patunayan ang mga katagang tinatawag nila sa’kin. Gaya nga ng sabi nila, ay  isa raw akong ‘pariwarang anak’. Naalala ko pa ang reaksyon sa aking mukha ng marinig ko ang mga salitang iyan mula sa bibig ng aking ina. Galit, lungkot, at mas ninais ko pang mag rebelde. Bilang isang musmos na bata, hindi ko rin maintindihan kung bakit ako nahantong sa ganoong sitwasyon, at hanggang ngayon ay tinatanong ko pa rin ang aking sarili kung ano ang mga dahilan kung bakit ganun na lamang ako kumilos. Pumasok sa aking munting isipan ang mga kataga ng kantang kinakanta ko dati. “Ikaw nga ay biglang nagbago, naging matigas ang iyong ulo, at ang payo nila'y sinuway mo.” Sa mga sandaling iyon, ang bakas ng galit sa aking mga mata ay napalitan ng gulat. Tila ba’y kinakausap ako ng mga liriko ng isang lumang kantang naririnig ko lamang noong ako’y bata pa lamang.

Napagtanto ko na ang impluwensya ng aking mga kaibigan ay may kontribusyon sa aking mga aksyon, at unti-unti nitong binago ang aking perspektibo kung paano ko tignan ang aking mga magulang at kung paano ko pakinggan ang kanilang mga payo. Hindi ko mapagkakaila na mas naging masaya ako sa mga itinuring ko na ‘kaibigan’ noon, ngunit ngayong malaki na ako, mas natutunan ko na walang hihigit at papantay sa alaga’t kalingang binigay sa’kin ng aking mga magulang. 


Walang papantay sa luto at pag-aalaga ng aking ina, walang hihigit sa proteksyon at kalinga ng aking ama. Lakbayin ko man ang bawat sulok ng mundong ibabaw, walang makakapantay sa pagmamahal ng mga taong nagbigay buhay sa akin.

Hindi ko sasayangin ang mga sakripisyong ginawa ng aking mga magulang para lamang maipagpatuloy ko ang paglalakbay sa mundong ibabaw. Hindi man naging perpekto ang kanilang pagmamahal at kalinga, para sa akin isang pribihileyo na maranasan ang kanilang pagmamahal na hindi matutumbasan ng ano mang materyal o halaga ng pera. Nang isilang ako, hindi ako naging malas sa buhay ni isang beses man, dahil higit pa sa salitang ‘swerte’ upang ilarawan kung gaano ako kaswerte mula ng maramdaman ko ang init ng mga yakap ng aking mga magulang.


Sa kabila ng lahat, mawala man ako ng landas at talikuran ako ng lahat, isa lamang ang tiyak at sigurado. Hinding hindi ako tatalikuran at itatakwil ng aking mga magulang, kaya naman bilang isang anak, obligasyon ko na huwag sirain ang kanilang tiwala at pagmamahal. Madapa man ako at masubsob, may mga kamay akong makakapitan at mga balikat na iiyakan. Sapat na iyon para sa akin, kuntento na ako sa buhay na kasama ko ang aking pamilya, dahil para sa’kin sila ang pinakamalaking biyayang binigay ng poong maykapal, at sobra sobra na iyon.




No comments:

Post a Comment