Bata pa lamang ako, isang malaking palaisipan sa akin kung ano ang nais kong maging sa hinaharap. Sa murang edad, madalas kong tanungin ang sarili kung anong direksyon ang nais kong tahakin pagkatapos kong mag-aral. Ngayong nasa Senior High School na ako, hindi pa rin ganap na malinaw ang sagot sa tanong na iyon, ngunit isang bagay ang sigurado ako. Ako ay may layunin. Layunin kong maging boses ng sambayanang Pilipino, para sa mga naapi, natatapakan, at hindi napapakinggan sa isang bansang tila ang may kaya lamang ang binibigyan ng kapangyarihan.
Ang pangarap kong ito ay higit pa sa simpleng ambisyon. Isa itong tungkuling nais kong yakapin, sapagkat naniniwala akong kailangan ng bansa natin ng mga taong handang magsalita para sa mga nasa laylayan. Sa bawat sulok ng lipunan, may mga kwentong hindi naririnig—kwento ng mga taong napapabayaan, pinagtatawanan, at nilalampasan ng pagkakataon. At iyon ang nais kong bigyang-pansin ng lahat, sapagkat naniniwala ako na ang katarungan at karapatan ay para sa lahat, at hindi lamang para sa mga piling tao.
Ang misyong ito ay hindi natatapos sa pangarap lamang—kundi isang responsibilidad na nagsisimula sa bawat salita at kilos ko ngayon bilang isang mag-aaral. Ang pagsusulat, pakikinig, at pagmamasid ay panimula pa lamang upang higit kong matutunan ang tunay na kahulugan ng pagiging isang tinig ng lipunan. Naniniwala ako na sa hinaharap, magiging instrumento ako ng pagbabago, isang tulay na mag-uugnay sa mga hinaing ng sambayanang Pilipino at sa solusyong nararapat nilang makamit.

No comments:
Post a Comment