Alamat lang ba ang pahinga ng dalawang puyat sa pira-pirasong mga bugtong?

abi's drifting days---- 06205

    does it get better?  "I was unable to shake off the feeling that I had no real right to be here at all, that I was an interloper. ...

Tuesday, January 7, 2025

04 | Kanser ng Lipunan: Ang Tunay na Sakit ay Tayo

 
“Ang mundo ay isang malaking Quiapo, maraming snatcher, maagawan ka. Lumaban ka.” Ang katagang iyan ay bitbit ko hanggang ngayong malaki na ako, magmula pa lamang noong ako’y naging isang estudyante na peryodista. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nagbabago ang kakintalang iniwan sa akin ng linyang iyan, siguro dahil hindi rin nagbago ang aking lipunang aking nakasanayan. Magulo, maingat at delikado. Tila ba’t may sakit ang mga tao, kanser kung tatawagin.

Sa mahigit anim na taon ko’ng pagsusulat, tila ba’y walang tuldok ang gulong di-mawari kung ano ang pinanggalingan. Sino ba ang dapat ituro? Ang bansa? Ang mga nakaupo? O baka naman ang masa? Taon-taon ay laganap pa rin ang mga isyung panlipunang nagmimistulang walang hangganan. Kaya naman ang malaking palaisipan sa’king isipan ay ‘Bakit?’. Bakit hanggang ngayon ay mas marami pa ang bilang ng mga nasa laylayan ay hindi makabangon? Bakit hanggang ngayon ay marami pa rin ang walang awang kinikitilan ng buhay ang mga tao ng mga taong walang ibang serbisyo kundi protektahan ang mga tao? Bakit galit ang tao sa mga snatcher at magnanakaw, ngunit mas pinili nilang bigyan ng serbisyo ang anak ng isang diktador na kinikilala bilang isang magnanakaw ng kaban ng bayan?

Matagal man bago ko napagtanto, ngunit ngayon ay may tiyak na akong kasagutan. Ang tunay na kanser ng lipunan na ito na napaka hirap gamutin ay ang mga taong naninirahan dito. Tayo. Tayo ang tunay na sakit sa lipunang hindi matuldukan ang kanyang mga problema. Maraming taon na ang nagdaan at mas parami ng parami ang mga nagbubulag-bulagan at pumipikit sa katotohanan, dahil nagpapadala at kumakain ng matatamis na salita. Habang patuloy ang pagkakalat ng mga kasinungalingan at pekeng balita, parami rin nang parami ang nawawala sa tamang direksyon. May mga tao na kahit alam nila ang masakit na katotohanan, pinipili pa rin nilang magbulag-bulagan, at sa halip na magsalita at kumilos para sa pagbabago, nagiging bahagi sila ng sistemang nagpapalaganap ng kasinungalingan at pagnanasa sa kapangyarihan.

Isang malupit na siklo ng kasaysayan ang nangyayari: paulit-ulit, parang walang katapusan. Minsan iniisip ko, baka nga tayo na mismo ang nagpapatuloy ng ating sariling paghihirap. Kung ang ating lipunan ay isang malaking Quiapo, malaki ang pananagutan ng bawat isa sa atin. Kung walang magtutulungan, kung walang magmamalasakit, patuloy na maghahari ang mga snatcher, hindi lang sa mga kalsada, kundi sa bawat institusyon at aspeto ng ating buhay. Ang tunay na laban ay hindi lamang sa mga harap-harapang kasamaan, kundi sa kakayahan nating magbukas ng mga mata at manindigan para sa tama, kahit na mahirap at mapanganib.



No comments:

Post a Comment